Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Stop the Killings!

Sa halos araw-araw na pagbabasa ko ng diyaryo, malimit kong napupuna ang mga ulat at lathalaing tumatalakay sa mga pagpatay o mga tangkang pagpatay. Nakalulungkot dahil wala na silang (kung sino man sila) pinipiling tao sa kanilang pagpatay. Laganap ang krimen na ito sa ating bansa — mamamahayag, aktibista, politiko at ordinaryong tao, lahat namamatay ng wala sa oras (sa oras na itinakda ng tao).

Nakalulungkot dahil marami sa mga pagpatay na ito ang hindi nabibigyan ng katarungan. Malaya pa rin ang mga mamamatay-tao at ang masakit, ilan sa kanila ay protektado pa ng pamahalaan.

Sa mga nakalipas na araw, higit na kapansin-pansin ang pagkakadawit na rin ng mga taong simbahan. Delikado ang lahat ng buhay ng mga taong nangangampanya para sa pagbabago, sa kapayapaan at sa katarungan. Kung hindi ka pabor sa mga programa ng pamahalaan, malamang isang araw, itutumba ka na lang kung saan.

Maraming tao ang namamatay araw-araw, alam natin yan. Ngunit ang masakit, marami sa kanila ang namamatay ng walang kalaban-laban lalo na sa kamay ng mga taong binabayaran ng sinu-sino diyan.

Kahit ano pa mang klaseng pagpatay— gawa man ito ng isang kriminal, militar, NPA, o kung sino mang taong wala sa tamang pag-iisip— isa lang ang ibig sabihin niyan: HINDI NA KAYANG PANGALAGAAN NG PAMAHALAAN ANG KANYANG MGA MAMAMAYAN.

So paano na yan?

Sa mata ng isang batang lansangan

Ako po si Rina. Laking lansangan ako. Nawala ako sa kalye noong apat na taong gulang pa lamang ako. Tapos hindi ko na nakita ang mga magulang ko, at yun lumaboy na ako hanggang sa makatagpo ako ng isang grupo ng mga batang laki rin sa kalye.

Nabuhay ako kasama nang mga batang iyon. Halos lahat sa kanila ay lumayas lang mula sa impiyerno daw nilang tahanan. Hindi ko naman naiintindihan kung anong ibig nilang sabihin pero sabi nung isa, lagi daw nag-aaway mga magulang niya.

Sabi nila tatlong taon na daw nila akong kasama. Ayun, nabubuhay ako, tulad nila sa pangangalkal ng basura at pagkain ng mga tira-tira mula sa mga mamahaling restaurant. Yung mga basura, minsan nakakatinda din kami ng mga bote at karton na siyang ibinibili namin ng pagkain at damit na rin kung nakakaipon. Nakalilimos din kami paminsan-minsan sa mga taong nagdaraan sa aming tambayan sa may underpass malapit sa SM Manila.

May mga panahong napapaisip ako na ano kaya ang pakiramdam ng batang nag-aaral? Marami na kasi uling mga bata na akay-akay ng kanilang magulang ang napapadaan sa tambayan araw-araw. Pero nang minsang tumambay ako doon, mas malaking mga bagay ang napansin ko.

Umaga ng Linggo noon, tumambay ako sa hintuan ng dyip sa may underpass. Pero diba, hindi naman dapat humihinto ang mga dyip doon? Ngunit may pulis man o wala, tuloy pa rin ang pagparada ng dyip doon at paghihintay nila ng mga pasahero. Madalas, sanhi ito ng mabagal na trapiko.

Noong araw na yon, maaga pa noon pero madilim ang kalangitan at tila bubuhos ang isang malakas na ulan. Katutunog lang din nung orasan sa may munisipyo. May isang dyip na huminto sa harapan ko. Tapos bumababa yung drayber. Akala ko kung anong gagawin, pero tumabi siya sa gulong sa may tabi niya at yun, nakita ko na lamang na may umaagos na tubig mula sa kinalalagyan niya. Sumakay siyang muli sa dyip at pinaharurot ito at nagbuga pa ng maitim na usok.

Yung bakod na dating kulang-kulang ang rehas na nilulusutan ng mga taong hindi marunong dumaan sa tamang daanan at bumaba sa tamang babaan, ianayos na. Hindi naman masyadong ayos pero tinagpiaan ng mga kawad upang hindi na doon dumaan ang mga tao. Pero tignan mo naman, mapa-babae o lalake, wala lang pakialam. Patuloy pa ring inaakyat ang bakod at sumusuot sa kahit saang butas na magkakasya sila. Yung ale, teka, nakapormal pa man din ang damit, pero yun, pinilit ipagkasya ang sarili sa isang butas ng bakod.

Nang dumating yung mamang pulis na nakauniporme, medyo lumuwag ang pakiramdam ko. Pero wala rin pa lang kwenta kasi hindi man lang sinusuway yung mga taong kitang-kita na nga na sumusuway sa batas. Ano kaya yun? Bakit pa siya andun?

Tapos yung mama sa likod ko na akala ko tumatambay lang, pumapara pa la siya ng bus. Mali, pero dahil marami siyang kasamang nag-aabang pwede na rin. At yun nga, hindi naman sila pinapansin nung pulis.

May isang pamilya pa kanina. yung bata, siguro sing-edad ko, tinuturo sa magulang na umikot sila upang makatawid ng tama sa bakod. Pero anong ginawa nung kanyang ama? Inakyat ang bakod at binuhat na lang yung bata patawid. Tapos sumunod na rin yung ina. Kawawang bata, malamang tinuro sa kanyan ng titser niya na maging mabuting mamamayan pero hindi naman pinapakitaan ng tama ng kanyang mga magulang.

Alam niyo po, sa araw-araw na paglagi ko sa lansangan, ninanais ko na sana naman ay makakita ako ng mas maraming kabutihan mula sa mga nakakatanda sa akin. Hindi ko po kasi alam kung ako ang tamang gagayahin ko upang maging isang mabuting tao. Dito lang po ako sa lansangan, walang pamilyang magtuturo sa akin kaya nakikigaya na lang ako sa mga nakikita ko.

« Mas Bagong Mga Paskil