Minsan may mga bagay na nasa harap na natin ngunit hindi natin makita, hindi dahil wala tayong paningin ngunit ayaw lang nating tingnan.
Kunwari pa’y hindi natin napansin. Kahit meron tayong gustong sabihin, hindi natin masabi dahil pilit na nating inilalayo ang ating mga sarili sa mga sitwasyon.
Kaya’t kailangan nating dumilat at suriing mabuti ang mga bagay-bagay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay hindi tayo apektado. Lahat ng bagay, magkaugnay. Kaya’t darating ang isang araw na makakarating sa atin ang epekto ng lahat ng mga pangyayari. Sana huwag na nating hintayin na magsisi tayo dahil wala tayong ginawa.
Ako si Earlie Pasion, isang kabataan. Aktibo ang isip at pangangatawan. Malabo na ang aking mga mata kung kaya’t lagi kong suot ang aking mga salamin upang maging maliwanag ang aking paningin. Ngunit maliban pa riyan, nais kong makita ang tunay na mga kaganapan. Madalas, lagi akong dilat at nagmamamasid sa paligid. Minsan pati gabi ginagawa kong araw sa pagnanais na magawa ang maraming bagay.
Sa murang edad, mulat ako sa maraming katotohanan ng buhay. Hinuhubog ako ng maraming mundong aking ginagalawan bilang isang taong totoo at may malinaw na hangarin para sa sarili at sa kapwa. At dahil madalas hindi ko kasama ang mga taong tulad mo, kinukunan ko ng letrato o isinusulat ko ang mga bagay na hindi natin parehong nakita. Sa ganoong paraan, nais ko na nawa’y maimulat mo rin ang iyong mga mata o kung may kalabuan, gagawa ka ng paraan upang ika’y maliwanagan: isuot mo ang iyong lente.