Malapit ko nang makaligtaan ang magsulat ng Filipino, buti na lang at lagi akong nagsasalin ng mga lathalain. Bilang pagbibigay galang sa ating wika ngayon buwan na ito, pinili kong magsulat sa Filipino (ang orihinal na lengwahe ng blog na ito).
Ano ba talaga ang gusto ko?
Yan ang karaniwang tanong ng mga kabataang tulad ko — nakatapos na sa kolehiyo, nagtatrabaho ngunit hindi kontento, maraming gustong gawin ngunit walang panahon, may mga pangarap ngunit di alam kung paano tutuparin. Karaniwang pakiramdam ng mga kabataang nasa gulang 21-29 ang hindi madaling maipaliwanag na paghahanap ng direksiyon o tunguhin sa buhay.
Ano ba talaga ang gusto ko?Kumbaga tapos na ang mga panahong magulang lang ang laging nasusunod. (Nay, Tay, bente na ako!) May sarili ka ng kita, nakatira ka ng mag-isa (yung iba nakikitira pa rin sa mga magulang), nagagawa mo na ang halos lahat ng gusto mo ngunit hindi ka pa rin kuntento. Alam mo sa sarili mo na mayroon ka pang mga bagay na hindi nakakamit ngunit hindi mo ito mawari. Kung tinatanong ka, hindi ko pa alam pa rin ang lagi mong sagot.
Gusto mong kumita ng mas malaki, pero bakit? Wala ka pa namang pamilyang pinakakain (maliban lang kung bread winner ka ng pamilya). Gusto mong lumipat ng trabaho dahil pakiramdam mo hindi ka lumalago sa kasalukuyan mong opisina. Lagi mong ikinukumpara ang sarili mo sa ibang tao. Tipong gusto mong magpahinga at mawala pansamantala sa sirkulasyon ngunit hindi mo rin matitiis. Gusto mo ng lumagay sa tahimik (mag-asawa at magkaanak) pero wala ka namang kasintahan. Pinipilit ka pa rin ng mga magulang mo na kunin ang kursong gusto nila para sa iyo at parang gusto mo namang subukan. Naiinis ka dahil may mga plano ka ngunit hindi mo na nasusunod.
Ano ba talaga ang gusto ko? Magulong-magulo na ang isip mo. Tila namamanhid ang iyong mga kalamnan at ayaw mo ng gumalaw. Gusto mong laging nagmumukmok sa kwarto mo at naghihintay ng biyayang hindi mo alam kung kailan darating.
Ito ang tinatawag ng quarter-life crisis. Inimbento nina Alexandra Robbins and Abby Wilner ang mga katagang ito na tumutukoy sa pagbabagong kalagayan mula sa pagiging kabataan patungo sa kasapatan ng gulang. Inilalarawan ito ng pagkabalisa, kawalang katiyakan sa hinaharap at kawalan ng pansariling kapayapaan.
Ito rin ang panahon kung kelan ang karamihan ay naghahanap ng kahulugan ng buhay. Bakit ba ako narito?
Ngayon, natukoy ma na ba kung ano ba talaga ang gusto mo?
Hindi ako eksperto sa larangang ito ngunit dahil pinagdaraanan ko rin ito ngayon mahusay siguro na tignan natin kung anu-ano ang maari nating gawin pareho.
- Magtakda ng mga layunin. Maiiging naisusulat mo ang mga bagay na gusto mong maabot sa hinaharap. Maliban sa iyong to do list para sa araw o linggong ito, isulat mo rin kung anu-anong bagay ang iyong pagsisikapan mong abutin sa susunod na taon o limang taon. Saan mo ba nakikita ang sarili mo sa hinaharap? Ano na kaya ang ginagawa mo sampung taon mula ngayon?
- Pag-isipang mabuti ang mga susunod na hakbang. Hindi ka na bumabata at ang buhay mo ay hindi umuurong. Lahat ng gagawin mo ngayon, aanihin mo kinabukasan. Huwag kang padalos-dalos sa mga desisyon. Isiping mabuti kung ano ang magiging kahihinatnan ng mga ito (Plan ABC at Z kung kaya). Minsan may mga bagay na akala mo yun na ang tama pero pag nandun ka na, magsisisi ka lang at hindi mo na maibabalik ang panahon at saka mo sasambitin ang mga katagang sana ganito… sana… Ngunit iwasan mo rin ang sobrang pag-iisip at baka hindi ka na makausad. Maliban pa riyan, maging handa kang humarap sa mga kahihinatnan ng mga hakbangin mo.
- Balikan paminsan-minsan ang nakaraan. Paminsan-minsan lang. Sa iyong pagbabalik sa nakaraan, tiyakin bumalik sa kasalukuyan at ipagpatuloy ang paglalakbay tungo sa hinaharap. Nakatutulong ang pagbabalik sa nakaraan sa pagsusuri ng mga bagay na iyo nang natapos, mga pangyayari at karanasan kung saan ka natuto, sa mga planong hindi mo pa naipatupad at mga pangarap na hindi mo pa naabot. Tandaan mong bahagi ng kasalukuyang takbo ng buhay mo ang iyong nakaraan.
- Hindi ka nag-iisa. Maliban sa hindi ka nag-iisang dumaranas sa yugtong ito ng buhay, may mga kaibigan at pamilya kang nariyan na maaari mong takbuhan. Hingin mo ang kanilang mga opinyon sa mga balak mong gawin. Suriin mo ang iyong sarili ayon sa mata ng mga taong nasa paligid mo. Tandaan mo, bahagi rin sila ng buhay mo at hindi mo maaari basta-basta na lamang ilayo ang sarili mo sa mundo.
- Panatilihin ang disiplina. Hindi ko alam kung mayroon ka nito o wala ngunit tiyak magagamit mo ang disiplina ngayon sa lahat ng aspekto. Sa pinansiya, itakda mo lamang kung ano ang maari mong gastusin. Iwasang gumastos sa mga bagay na hindi mo naman masyadong kailangan. Matutong mag-impok. Magagamit mo ang mga ipon mo pagdating ng panahon. Bigyan mo rin ng panahong magpahinga ang sarili mo. Batid natin na sa ganitong mga gulang, aktibo talaga ang buhay ng mga kabataan. Ilaan mo ang iyong lakas sa mga makabuluhang bagay. Marami ka pang taon ang iyong haharapin. Sikaping gumising ng maaga at matulog ng maaga hindi umaga (maliban na lamang kung nagtatrabaho ka sa isang kumpanya na may shifting schedule).
- Panatilihin ang balanseng buhay. Sarili, trabaho, pamilya, kaibigan, kaibigan (a.k.a. bf/gf) at kung anu-ano pa. Ilang oras ba sa isang araw ang nararapat mong ilaan sa mga ito. Tiyakin na may panahon ka sa iyong sarili dahil kadalasan ito ang ating nakaliligtaan. Ngunit huwag din masyadong makasarili. Tiyaking nagagamit ng mabuti at sa mabuti ang lahat ng oras mo.
Ang mga nakatala sa itaas ay pawang mga mungkahi lamang. Sa huli, ikaw pa rin ang masusunod sa patuloy mong pagtugis sa bagay na talagang gusto mo sa buhay mo.
cheer up, dear:
This, too, shall pass away.
ANG HABA………………………….
ang ganda ng lathalain n’yo..ipagpatuloy n’yo lang po…salamat
ang ganda ng pagkakagawa
Maraming Salamat sa Paksa! God Bless You!