Dumating ka na ba sa puntong naisip mo na wala palang kabuluhan lahat ng ginagawa, pinaghihirapan at pinaplano mo?
Sa mga nakalipas na araw, naging abala ako sa pagdalo ng mga pagpupulong — para sa mga programa ng mga kabataan ng aming simbahan. Laging napag-uusapan ang leadership development, ministry innovations at iba pang mga bagay na sa tingin namin ay makatutugon sa pangangailangan ng mga kabataan sa loob at labas ng simbahan.
Ngunit sa patuloy na pagmumuni-muni at pag-uusap kasama ang iba pang mga lider-kabataan, napagtanto namin na marami pala sa aming mga isinasagawa at pinaplanong gawain ay hindi na nauukol sa kasalalukuyang kalagayan ng mga kabataan.
Isang pag-aaral ang nagsasabing kailangan ng mga kabataan ng pagdidisipulo. Hindi ko alam kung paano ito tutukuyin at bibigyang kahulugan ngunit malinaw ngayon na hindi muna kailangan ng mga kabataan ngayon ang mga leadership and skills development.
Akala namin yun ang kakulangan. Paano mo nga naman sila magiging mga lider kung mismong pagkilala kay Kristo ay wala sila ideya. Wala silang malalim na relasyon kung sino ang kanilang pagsisilbihan. Kumakanta nga sila tuwing praise and worship ngunit hindi naman pala nila alam kung bakit nila ito ginagawa at kung sino ang kanilang kinakantahan. Nag-aapoy ang kanilang damdamin para sa isang gabi ng pagsamba ngunit kinabukasan, kung saan-saan mo na lamang sila nakikita — walang patutunguhan at madaling matangay sa agos ng mundo.
Nabanggit ko na dati sa aking kolum sa Pananaw na nakapa-activity-oriented kasi ng simbahan at nakalilimutan at nakaliligtaan na nito ang pangangalaga sa kanyang buhay-ispiritwal ng kanyang mga kasapi. Maliban pa rito, masyadong abala ang ilan sa pagtatayo ng mga gusali at pakikipagtalo sa pulitika ng simbahan.
Kailangan ng pagkilos para sa pagbabago upang sa kabila ng lahat ay hindi mapunta sa kawalan at mawalan ng kabuluhan lahat ng mga isinasagawang gawain. Tiyak, ayaw natin na mawawalan ng saysay lahat ng ating pagpapagod at pagpapagal.