Sa halos araw-araw na pagbabasa ko ng diyaryo, malimit kong napupuna ang mga ulat at lathalaing tumatalakay sa mga pagpatay o mga tangkang pagpatay. Nakalulungkot dahil wala na silang (kung sino man sila) pinipiling tao sa kanilang pagpatay. Laganap ang krimen na ito sa ating bansa — mamamahayag, aktibista, politiko at ordinaryong tao, lahat namamatay ng wala sa oras (sa oras na itinakda ng tao).
Nakalulungkot dahil marami sa mga pagpatay na ito ang hindi nabibigyan ng katarungan. Malaya pa rin ang mga mamamatay-tao at ang masakit, ilan sa kanila ay protektado pa ng pamahalaan.
Sa mga nakalipas na araw, higit na kapansin-pansin ang pagkakadawit na rin ng mga taong simbahan. Delikado ang lahat ng buhay ng mga taong nangangampanya para sa pagbabago, sa kapayapaan at sa katarungan. Kung hindi ka pabor sa mga programa ng pamahalaan, malamang isang araw, itutumba ka na lang kung saan.
Maraming tao ang namamatay araw-araw, alam natin yan. Ngunit ang masakit, marami sa kanila ang namamatay ng walang kalaban-laban lalo na sa kamay ng mga taong binabayaran ng sinu-sino diyan.
Kahit ano pa mang klaseng pagpatay— gawa man ito ng isang kriminal, militar, NPA, o kung sino mang taong wala sa tamang pag-iisip— isa lang ang ibig sabihin niyan: HINDI NA KAYANG PANGALAGAAN NG PAMAHALAAN ANG KANYANG MGA MAMAMAYAN.
So paano na yan?